--Ads--

BAGUIO CITY – Nasa mabuti nang kalagayan ang dalawang sundalo na nasugatan sa sagupaan ng 24th Infantry Battalion, Philippine Army at New People’s Army (NPA) sa Barangay Alangatin, Tubo, Abra kahapon.

Sa kasagsagan ng bakbakan, nasugatan sina PFC Michael Soriano at si PFC Richard Talania na agad namang dinala ng kanilang mga katropa sa pagamutan.

Pagkatapos ng 10 minuto na palitan ng putok ay agad umanong umatras ang mga kalaban nang maramdaman nilang hindi na nila makayanan ang puwersa ng pamahalaan.

Narekober sa encounter site ang isang rifle grenade, bandolier, anim na short magazine na may lamang bala ng M16 rifle, medical kit, 50 meters cable wire, at switch para sa landmine.

Ayon kay Major General Paul Atal, commander ng 5th Infantry Division, nagresponde ang mga sundalo sa impormasyon na ipinaabot ng mga sibilyan kaugnay sa presensiya ng armadong grupo na nanggugulo sa nasabing lugar.

Sinabi naman niya na ang sunud-sunod na operasyon ng mga sundalo ay ang pagresponde nila sa mga impormasyon na idinudulog ng mga sibilyan kaugnay sa presensiya ng NPA sa kanilang lugar.

Kung maaalala, kahapon din ay nagkasagupa ang mga kasapi ng 86th Infantry Battalion at NPA sa Echague, Isabela kung saan, nasawi sa engkuwentro si Cpl. Denver Banban mula sa Mountain Province habang kinukumpirma pa kung may namatay sa panig ng mga kalaban.

Tiniyak ni M/Gen. Atal na magpapatuloy ang operasyon ng 5th Infantry Division hangga’t may mga taong magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga marahas na gawain ng rebeldeng grupo.

Kasabay nito ay hinikayat niya ang NPA na magbalik-loob na sa gobyerno at mabibigyan sila ng tulong mula sa Comprehensive Local Integration Program.