--Ads--

BAGUIO CITY – Aabot sa 207 kadete ng Philippine Military Academy (PMA) Talang Dangal Class of 2026 ang inaasahang magtatapos sa Mayo 16, 2026, batay sa opisyal na datos ng akademya.


Sa naturang bilang, 65 ang babae at 142 ang lalaki. Batay sa rehiyonal na pinagmulan, 125 ay mula sa Luzon, 34 mula sa Visayas, at 48 mula sa Mindanao.


Pagdating sa educational attainment, isang kadete ang college graduate, 142 ang college undergraduate, at 64 ang senior high school graduate.


Sa kanilang nalalapit na commissioning, hahatiin ang mga kadete sa tatlong pangunahing serbisyo: 76 sa Philippine Army, 62 sa Philippine Air Force, at 69 sa Philippine Navy.


Samantala, umabot sa 37,651 ang kabuuang aplikante sa PMA, ngunit 1,211 lamang ang nakapasa sa pagsusulit, na nagpapakita ng mahigpit na proseso ng seleksyon ng akademya.


Ngayong araw, opisyal na ipinrisenta ang Top 10 cadets. Nanguna bilang Top 1 si Cadet 1CL Christine Kaye Demisana Librada mula Batangas, sinundan ni Cadet 1CL Mark John Vincent Utlang Catacutan mula Zamboanga del Sur bilang Top 2, at Cadet 1CL Thomas Edgar Isla Sepulchre mula Pampanga bilang Top 3.


Nasa Top 4 si Cadet 1CL Ian Harold Durana Hubilla ng Sorsogon, Top 5 si Cadet 1CL Maeg Adriene Pajarillo Bermudez ng Tarlac, at Top 6 si Cadet 1CL Cherry Mae Panag Geco ng Capiz.


Kabilang din sa Top 10 sina Cadet 1CL Elixa Anya Lumbang Hernandez at Cadet 1CL Catherine Liesha Beloa De Chavez, kapwa mula Batangas.


Nasa Top 9 si Cadet 1CL Cedric Cyril Guingguing Polizon mula Surigao del Sur, habang pang-10 si Cadet 1CL Mark Clement Dequinto Centina mula Negros Occidental.


Ang PMA Class of 2026 ay inaasahang magiging susunod na henerasyon ng mga opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.