--Ads--

Hindi pa rin umano makapaniwala hanggang ngayon ang 22-anyos na armwrestler na si Israel Ekid matapos masungkit ang kampeonato sa 70-kilogram Pro Category ng King of the Table SEA 2026 / Sabah Open Armwrestling Championship na ginanap sa Malaysia.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Ekid, na nagtatrabaho rin bilang minero, na ibinigay niya ang kanyang buong makakaya sa kompetisyon. Aniya, nagdoble siya ng training at pansamantalang hindi muna nagtrabaho upang makapagpokus sa paghahanda, na naging susi sa kanyang pagkapanalo.

Ikinuwento niya na kabilang sa kanyang mga paghahanda ang panonood ng mga video ng mga naging laban ng kanyang mga kalaban upang mapag-aralan ang kanilang mga galaw at makabuo ng game plan kung paano sila mako-counter. Bukod dito, masinsinan din niyang tinutukan ang kanyang pisikal na pagsasanay, habang ang suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan ang nagsilbing lakas niya sa emosyonal na aspeto.

Ayon sa kanya, ilan sa mga teknik na ginamit niya sa laban ay ang top roll, hook, at hand control, na naging epektibo upang makuha ang panalo.

Ito ang kauna-unahang international tournament na kanyang sinalihan, bagama’t mayroon na rin siyang karanasan sa mga super match.

Aniya, isa sa pinakamahirap niyang nakalaban ang kinatawan ng China dahil nagawa nitong depensahan ang kanyang hook attack. Samantala, matagumpay naman niyang na-counter ang pambato ng South Korea, dahilan upang mabilis niyang makuha ang panalo.

Ibinahagi rin niya na ang kanyang kanang kamay ang mas malakas, na tinatayang may halos 20 porsiyentong lamang kumpara sa kanyang kaliwang kamay.

Isang buwan bago ang torneo ay halos araw-araw umano siyang nagsasanay, dahilan upang mabugbog at mapagod ang kanyang mga kamay. Dalawang linggo bago ang kompetisyon ay kinailangan niyang magpahinga upang makarekober ang kanyang katawan.

Isa rin sa kanyang naging malaking hamon ang pagbaba ng timbang. Mula sa 76 kilo, kinailangan niyang bumaba sa 70 kilo upang makapasok sa kanyang weight category. Dahil dito, sumailalim siya sa mahigpit na diet at water cut bago ang laban.

Ayon kay Ekid, nagsimula ang kanyang interes sa armwrestling matapos makita ang kanyang mga kaibigan na naglalaro nito. Dahil sa kanyang pagiging mausisa at kagustuhang subukan ang sariling lakas, sinubukan niya rin ang sport at kalaunan ay nahilig dito. Naging inspirasyon din niya ang panonood ng mga international armwrestling matches, partikular ang mga laban ni Devon Larratt.

Bago siya pumasok sa armwrestling, mountain biking ang una niyang sport. Gayunman, dahil sa mataas na gastos nito, mas pinili niyang ituon ang kanyang oras sa armwrestling na mas abot-kaya.

Una siyang lumaban sa isang torneo sa Maynila apat na buwan pa lamang matapos magsimulang magsanay. Ayon sa kanya, ang kanyang coach ang nakakita ng kompetisyon at nag-imbita sa kanya na sumali, na agad naman niyang tinanggap.

Maliban sa armwrestling, sumubok din siya sa kickboxing, ngunit hindi na niya ito naipagpatuloy nang magkaroon ng pandemya.

Para kay Ekid, ang pinakamalaking hamon sa pagiging armwrestler ay ang pagpapanatili ng disiplina at tuloy-tuloy na pagsasanay. Aniya, hindi agad nakikita ang resulta sa sport na ito kaya mahalaga ang tiyaga at consistency. Dagdag pa niya, halos lahat ng kanyang training ay nakatuon sa pagpapalakas ng upper body.

Bilang mensahe sa kabataan, hinikayat niya ang mga ito na pairalin ang disiplina at huwag sumuko sa kanilang mga pangarap. Aniya, marami nang grupo na tumatanggap at nagsasanay ng mga baguhan sa armwrestling. Bukod sa nakatutulong ito sa kalusugan, mas mainam din umano itong libangan kaysa sa pagsusugal at nakatutulong pa sa magandang imahe ng isang tao.

Sa huli, nagpasalamat si Ekid sa lahat ng mga taong tumulong, naniwala, at sumuporta sa kanya, gayundin sa kanyang mga kasamahan na naging bahagi ng kanyang tagumpay.