--Ads--

Mankayan, Benguet— Inaresto ng mga awtoridad ang 26 katao, kabilang ang ilang kilalang vloggers mula sa Cordillera Administrative Region, dahil sa umano’y pagsasagawa ng ilegal na online raffle draw sa Mankayan, Benguet noong Sabado, Agosto 30.

Ayon sa ulat mula sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), isinagawa ang operasyon bandang 4:47 ng hapon sa Mankayan Plaza Gym, sa pakikipagtulungan ng Cyber Response Unit, Regional Anti-Cybercrime Unit–Cordillera (RACU-CAR), Mankayan Municipal Police Station, First Benguet Provincial Mobile Force Company, at mga kinatawan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang mga naaresto ay umano’y sangkot sa pagpapatakbo at pakikilahok sa isang online raffle na walang kaukulang permiso mula sa gobyerno. Dahil dito, nahaharap sila sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Illegal Gambling) na isinabatas pa lalo sa pamamagitan ng Republic Act No. 9287, at isinasaalang-alang din ang Section 6 ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil isinagawa ito sa pamamagitan ng social media.

Nasamsam sa lugar ng operasyon ang iba’t ibang kagamitan na ginagamit umano sa ilegal na raffle.

Kabilang dito ang dalawang tambiolo, 32 cellphone, apat na kamera, isang MacBook, isang iPad, at isang computer monitor.

Narekober din ang ilang dokumento, mga identification card, at mga bag na naglalaman ng raffle tickets na sinasabing bahagi ng kanilang “Season 4” ng draw.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Brigadier General Bernard R. Yang, Acting Director ng PNP-ACG, ang importansya ng operasyon bilang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad sa internet.

Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng pulisya kung ang mga naaresto ay nakapagpiyansa o patuloy pang nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Pinapaalalahanan naman ng PNP-ACG ang publiko na mag-ingat sa mga online raffle o palarong nangangako ng papremyo kapalit ng bayad o “entry fee.” Kung ito ay walang awtorisasyon mula sa PAGCOR, ito ay maituturing na ilegal.