BAGUIO CITY – Aabot sa 272 barangay sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang naapektuhan ng masamang panahon dulot ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engineer Jojo Valera ng Office of Civil Defense-Cordillera, sinabi niyang mahigit 13,245 pamilya o 30,901 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon pa sa datos, may 20 aktibong evacuation center kung saan 106 pamilya o 397 indibidwal ang kasalukuyang nananatili bilang mga displaced person. Mayroon ding 216 pamilya o 698 indibidwal na nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Naitala naman ang 15 na casualties, na binubuo ng 10 sa Guisad Surong, Baguio City, dalawa sa La Trinidad, Benguet, at tatlo sa Atok, Benguet. Samantala, 11 indibidwal ang naiulat na nasugatan.
Sa mga bahay na napinsala, umabot sa 108 ang kabuuang bilang, kung saan 99 ang partially damaged at siyam ang totally damaged. Samantala, tinatayang nasa P2.676 milyon ang paunang halaga ng pinsala sa imprastraktura.
May ilang kalsada pa ring sarado sa publiko, lalo na ang Kennon Road, dahil hindi pa ito ligtas para sa mga motorista.
Samantala, nasa normal level na ang lebel ng tubig sa Ambuklao Dam at Binga Dam sa Benguet matapos magpakawala ng tubig sa mga gate noong nakaraang araw upang maiwasang umabot sa kritikal na lebel.
Sa lagay ng panahon, patuloy na nararanasan ang intermittent light rain showers sa Baguio City at Benguet, gayundin sa Abra. Samantala, maaraw naman sa Apayao at Kalinga, lalo na kahapon, habang may paminsan-minsang pag-ulan sa Mountain Province at Ifugao.







