Isinugod sa ospital ang isang 28-anyos na construction worker na tubong Mountain Province at residente ng Betag, La Trinidad, Benguet matapos itong mabangga ng isang Fortuner na minamaneho ng isang 50-anyos noong Mayo 13, 2026 sa kahabaan ng Halsema Highway, KM6, Betag, La Trinidad, Benguet, sa harap ng Tan Building.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa Baguio City ang naturang sasakyan at patungo sana sa Cruz, La Trinidad, Benguet.
Gayunman, pagdating sa pinangyarihan ng insidente ay aksidenteng nabangga nito ang biktima na noon ay tumatawid sa kalsada.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima na nagresulta sa pagkakaroon nito ng mga sugat at pinsala sa katawan.
Ayon sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo News Team, hindi umano napansin ng drayber na may taong tumatawid dahil hindi nito namalayang may naglalakad sa lugar.
Agad namang isinugod sa ospital ang biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Batay sa ulat, nagtamo ng kidney trauma ang biktima at nananatili pa rin itong naka-confine sa ospital.
Samantala, pansamantalang inimpound ang sasakyang sangkot sa insidente ngunit kalaunan ay na-release din matapos magkaroon ng paunang kasunduan ang dalawang panig na sasagutin ang arawang sahod ng biktima habang nagpapagaling at babayaran din ang gastusin nito sa pagpapagamot.
Nagpositibo rin sa alcohol breath analyzer test ang drayber ng sasakyan.| via Bombo Noveh Organo











