Nagpasabog ng improvised explosive device ang isang 32-anyos na suspek na isang minero sa isang tindahan sa Magsaysay Street, Baguio City kaninang umaga ngayong araw ng Lunes.
Nag-umpisa umano ang insidente nang hawakan ng suspek ang puwet ng babaeng may-ari ng tindahan, kaya agad itong pinalabas ng establisimyento.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Joshua Mateo ng Baguio City Police Station 2, sinabi niyang bandang alas-2 ng madaling araw ay nagreklamo ang babae hinggil sa ginawang pambabastos ng suspek, dahilan upang ito ay paalisin.
Bandang alas-3 ng umaga, bumalik umano ang suspek na may dalang improvised explosive device at ibinato ito sa bubungan sa tapat ng tindahan o café.
Dahil dito, tinamaan ng mga matutulis na pako ang ilang kostumer—umabot sa 14 na indibidwal—na nagkakape sa establisimyento, pati na rin ang iba pang mga taong naghihintay sa terminal. Agad naman silang dinala sa ospital.
Ayon sa mga awtoridad, sa paunang panayam sa suspek, lumalabas na may galit ito dahil umano’y binugbog siya sa naturang tindahan—isang alegasyon na kasalukuyang iniimbestigahan.
Dagdag pa ng mga awtoridad, ang suspek ay “unruly” o nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente, batay sa salaysay ng may-ari ng tindahan. Nilinaw din na hindi sa naturang establisimyento uminom ang suspek.
Dahil sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad at sa tulong ng mga nag-ulat, agad na naaresto ang suspek.
Sa panig naman ng suspek, iginiit nitong siya ay binugbog at gumanti lamang, kaya niya isinagawa ang pagpapasabog.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang suspek sa mga kasong acts of lasciviousness at illegal possession of explosives, na inilarawan ng mga awtoridad bilang lubhang mapanganib.
May karanasan umano ang suspek sa paggawa ng improvised explosives.
Wala namang naiulat na kritikal sa mga nasugatan, at isa-isa na silang nakakalabas ng ospital.
Samantala, iginiit ng nasabing opisyal na isolated incident lamang ang nangyari











