BAGUIO CITY – Nakapagtala ang City Health Services Office (CHSO) ng 385 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo 18, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Celia Flor Brillantes, chief ng CHSO, sinabi niyang mas mababa ito ng 33% kumpara sa 578 na kaso na naitala mula Enero hanggang Hulyo 10, 2025.
Batay sa rekord, isang kaso ng dengue ang nauwi sa pagkamatay. Ayon kay Brillantes, mabilis ang naging pangyayari dahil na-admit pa lamang ang pasyente at sa loob lamang ng 24 oras ay pumanaw na ito.
Samantala, nakapagtala rin umano ng kumpol ng mga kaso ng COVID-19, bagama’t hindi naman gaanong naapektuhan ang mga residente sa Baguio. Patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring ng CHSO.
Sa tala ng ahensya, umabot sa 75 laboratory-confirmed cases ang naitala mula Mayo hanggang Hulyo 10. Ayon kay Brillantes, mahigit 65% sa mga ito ay kumpirmadong bahagi ng isang cluster.
Bagama’t hindi pa ito itinuturing na alarming, sinabi niyang mahalaga pa rin ang patuloy na pagbabantay at pagmomonitor sa mga kaso.









