--Ads--

Posibleng tumaas ang renta ng mga may-ari ng stall sa Maharlika Livelihood Complex matapos maaprubahan sa unang pagbasa ng Konseho ng Lungsod ang isang ordinansa.

Sa botong 9–6, o siyam na pabor at anim na tutol, inaprubahan ang panukalang magtataas ng upa ng mga stall sa gusali. Gayunman, iginiit ng karamihan sa mga nangungupahan na sana ay manatili muna ang kasalukuyang rate ng kanilang renta habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng Maharlika.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Baguio City Councilor Atty. Edison Bilog na ang panukalang pagtaas ay batay sa rekomendasyon ng technical working group ng Maharlika Livelihood Complex. Ayon sa kanya, 5% ang itataas mula sa kasalukuyang renta ng mga stall.

Sa isinagawang pagpupulong, may ilang konsehal na nagpahayag na mas nararapat umanong bawasan ang renta ng mga stall owner. Gayunpaman, nanaig pa rin ang boto ng karamihan na itaas ang singil kahit nakabinbin pa ang rehabilitasyon o pagpapabuti ng gusali.

Ayon pa kay Bilog, nasa second reading na ang ordinansa at maaari itong maipasa sa ikatlong pagbasa nang wala nang debate. Babasahin na lamang at aaprubahan ang inirerekomendang rate.

Kapag tuluyang naaprubahan, inaasahang magkakabisa ang bagong renta sa katapusan ng Marso o Abril.

Ipinaliwanag ni Bilog na layunin ng pagtaas ng upa na mabawi ang mga ginastos sa mga pagpapahusay sa gusali, kabilang ang pagkukumpuni ng elevator, pagpipinta, at iba pang pagsasaayos.