Kabayan, Benguet — Limang katao ang nasawi at 22 ang nasugatan matapos bumaligtad ang isang six-wheeler truck na may sakay na 39 na pasahero sa Sitio Guay, Poblacion, Kabayan bandang alas-10 ng umaga nitong Mayo 28, 2026.
Ayon kay Mayor Rex Alwin Aquisan, nangyari ang aksidente sa kahabaan ng Congressman Andres Acop Cosalan Road at iniulat sa Kabayan MDRRMO dakong 10:07 a.m.
Batay sa paunang imbestigasyon, galing Bauko, Mountain Province at patungong Nueva Vizcaya ang truck nang bumaligtad ito dahil umano sa mechanical failure.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO, PNP, BFP, RHU at mga volunteer responders.
Sa inisyal na ulat, 10 pasahero ang nagtamo ng malulubhang sugat sa ulo at bali ng buto at dinala sa Dennis Molintas District Hospital sa Bokod, Benguet. Labindalawa ang nagtamo ng minor injuries at ginamot sa Kabayan RHU, kabilang ang driver. Samantala, 12 pasahero ang hindi nasugatan at pansamantalang inilikas sa RHU at Barangay Hall ng Poblacion.
Kinumpirma rin ng LGU ang pagkamatay ng limang pasahero, kabilang ang isang 3-anyos na bata, isang 11-anyos na bata, isang 49-anyos na lalaki, at dalawang lalaking nasa hustong gulang na hinihintay pa ang pagkakakilanlan.
Patuloy na mino-monitor ng LGU at mga ahensya ang sitwasyon at nagbibigay ng tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.
Muling umapela si Mayor Aquisan sa publiko na mag-ingat sa paglalakbay, lalo na sa mga bulubunduking kalsada upang maiwasan ang mga aksidente.










