BAGUIO CITY – Iniimbestihagan na ngayon ng mga otoridad ang pagka-hold up ng isang minero sa kanyang tahanan sa Puguis, La Trinidad, Benguet.
Nakilala ang biktima na si Rolex Bermor Fagyan, 58-anyos, separated, private miner at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa La Trinidad PNP, prinoproseso ng biktima ang kanyang mga gold ores o naba sa ilalim ng kanyang bahay nang lumabas ito para umihi.
Gayunman, bigla itong tinutukan ng baril ng isa sa tatlong mga suspek na pawang naka-face mask bago nila ito pinosasan.
Tinanong ng mga suspek kung nasaan ang kanyang mga pera at dahil sa takot ay itinuro niya ang lokasyon ng kanyang pera.
Kinuha ng mga suspek ang 50g na ginto, P180-K na cash, isang caliber 45 na baril, mamahaling relo at sunglass, telescope at miners lamp.
Pagkatapos ng insidente, agad tumakas ang mga suspek habang nagpatulong ang biktima sa kanyang mga kapitbahay kung saan dinala pa ito sa himpilan ng pulisya para lamang maalis ang kanyang posas.
Inilarawan ng biktima na ang mga suspek ay may meduim-built na katawan at may iloco dialect.