
Patay ang isang 69-anyos na lalaki matapos saksakin ng isang suspek habang nag-iinuman sa Brgy. Lingtan, Bangued, Abra kaninang alas-11:15 ng umaga, Marso 12.
Kinilala ng pulisya ang biktima na residente ng Partelo Street, Zone 4, Bangued, Abra habang ang suspek ay residente ng Brgy. Lingtan, Bangued, Abra
Batay sa ulat ng Bangued Municipal Police Station, rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pananaksak sa nasabing lugar.
Pagdating ng mga awtoridad, nadatnan ang biktima na nakahandusay sa lupa at duguan dahil sa tinamong saksak sa dibdib. Agad itong dinala sa Abra Provincial Hospital sa Calaba, Bangued, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nag-iinuman ang biktima kasama ang ilang kakilala sa harap ng isang tindahan nang makipag-usap sa kanila ang suspek na nakaupo malapit sa lugar.
Ilang sandali pa ay bigla umanong tumayo ang suspek, lumapit sa biktima at saka ito sinaksak sa dibdib bago mabilis na tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga intel operatives ng Bangued MPS para sa agarang pag-aresto sa suspek.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Abra Provincial Forensic Unit para sa pagsasagawa ng crime scene processing sa lugar ng insidente.






