
Nadiskubre ang 90 piraso ng fully-grown marijuana plants na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php 18,000.00 sa isinagawang search warrant sa Sitio Duban, Brgy. Caponga, Tublay, Benguet nitong ika-26 ng Marso, 2026.
Sa ulat ng Benguet Police Provincial Office, ang mga marijuana plants ay natagpuan sa loob ng isang greenhouse na pag-aari ng isang 36-anyos na magsasaka na dati nang naaresto sa isang buy-bust operation noong ika-12 ng Marso, 2026 sa Sitio Palew, Brgy. Caponga, Tublay, at kasalukuyang nakakulong sa Benguet Provincial Jail.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa mula sa Benguet DEU, Tublay Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera, PMFC at iba pang yunit ng pulisya. Kasama rin sa operasyon ang mga lokal na opisyal at miyembro ng media upang matiyak ang transparency at wastong dokumentasyon ng aktibidad.
Isinagawa ang inventory ng nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar sa harap ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa standard operating procedures.
Ayon sa mga awtoridad, ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas sa kampanya laban sa ilegal na droga at pagtatanim ng marijuana sa lalawigan ng Benguet.//via Bombo Noveh Organo









