--Ads--

TINGLAYAN, KALINGA — Agad nagpakalat ng mga tauhan ang Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos maiulat ang patuloy na palitan ng putok sa pagitan ng mga residente ng Barangay Butbut at Barangay Tulgao sa Tinglayan, Kalinga, madaling-araw ng Setyembre 22, 2026.

Sa direktiba ni PRO CAR Regional Director PBGen Noel B. Vallo, nasa 72 police personnel ang ipinakalat sa lugar. Kabilang dito ang 48 tauhan mula sa Regional Mobile Force Battalion 15 at 24 na tauhan mula sa Provincial Mobile Force Company ng Mountain Province Police Provincial Office.

Ayon sa PRO CAR, layunin ng deployment na mapanatili ang seguridad sa mga apektadong komunidad, maiwasan ang paglala ng tensyon, at maprotektahan ang mga residente.

Tumutulong din ang mga police personnel, kabilang ang mga may ugnayan sa mga kinauukulang tribo, sa pagpapadali ng dayalogo at pagde-de-escalate ng sitwasyon.

Isinasagawa rin ng mga police unit ang Oplan Bandillo, pinaigting na visibility patrols, pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at tribal leaders, at patuloy na community engagement upang maiwasan ang posibleng pagganti o panibagong komprontasyon.

Nanawagan naman ang PRO CAR sa mga tribal elder, community leader, at lahat ng panig na sangkot na panatilihin ang pagpipigil, iwasan ang anumang retaliatory action, at ipagpatuloy ang mapayapa at konstruktibong paraan ng pagresolba sa alitan.

Binigyang-diin din ng PRO CAR ang pagiging neutral nito sa naturang sigalot at ang pagsuporta sa isang patas at mapayapang proseso, kung saan maririnig at matutugunan ang mga hinaing ng bawat panig alinsunod sa batas at sa mga umiiral na mekanismo ng conflict resolution ng mga tribo.

Patuloy namang mananatili sa lugar ang mga awtoridad upang protektahan ang buhay, tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad, mapanatili ang peace and order, at suportahan ang mga hakbang tungo sa pangmatagalang resolusyon ng alitan.

Nanawagan ang PRO CAR sa mga mamamayan ng Cordillera na magkaisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at proteksyon ng mga komunidad sa kabila ng mga pagkakaiba ng mga tribo.