--Ads--

Aabot sa 7,956 pamilya o 22,679 indibidwal ang naapektuhan ng Tropical Storm “Crising” at ang patuloy na nararanasang Southwest Monsoon sa 69 na barangay sa Cordillera Region.


Batay sa pinakahuling datos ng DSWD-Cordillera, patuloy pa ring nadarama ang epekto ng sama ng panahon sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.


Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Frankie Cortez, Operations Section Chief ng Office of the Civil Defense Cordillera, nasa 19 na pamilya o 71 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa walong evacuation center, habang 31 pamilya o 118 indibidwal naman ang nakikitira sa mga kaanak, kaibigan, o kapitbahay.


Samantala, malawak din ang epekto ng bagyo sa mga pangunahing kalsada. Umabot sa 34 road closures ang naitala bunsod ng mga pagguho ng lupa, pagbagsak ng mga bato, at soil erosion.


Tatlong kalsada ang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad — kabilang dito ang dalawang totally closed roads sa lalawigan ng Apayao at ang open-and-close situation sa Camp 6, Tuba, Benguet, partikular sa bahagi ng Kennon Road.


Sa tala naman ng nasirang kabahayan, umabot na sa 18 ang partially damaged houses sa buong rehiyon.


Isang insidente rin ang naitala sa Camp 6, Tuba, Benguet, kung saan nasira ang isang sasakyan at nasawi ang isang alagang aso matapos madaganan ng gumuhong bato.


Patuloy na isinasagawa ang damage assessment para sa mga imprastraktura at sektor ng agrikultura, sa pamumuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.


Bagama’t walang naitalang nasawi o nasugatan na indibidwal sa pananalasa ng Bagyong Crising, muling nagpaalala si Cortez sa publiko na agaran nang lumikas sa mga ligtas na lugar kapag may abiso mula sa mga lokal na awtoridad.Samantala, sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas mula Pre-school hanggang Grade School sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Baguio City.

Habang sa lalawigan ng Benguet, suspendido rin ang klase mula Pre-school hanggang Senior High School sa parehong pampubliko at pribadong sektor.