ITOGON, BENGUET — Aabot sa 80 pamilya ang naapektuhan sa naganap na rock slide at landslide sa Acupan, Virac, Itogon, Benguet kaninang umaga, matapos gumuho ang bahagi ng bundok dulot ng walang tigil na pag-ulan na pinalala ng habagat at Tropical Depression “Bissing.”
Sa kabuuang bilang, limang pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center, habang ang iba naman ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak sa Baguio City.
Dahil sa patuloy na masamang panahon, umapaw rin ang ilog sa lugar, na nagdulot ng matinding pinsala sa isang hanging bridge at banta sa mga kalapit na kabahayan.
Kasunod ng landslide ang pagragasa ng makapal na putik at malalaking tipak ng bato, na nagdulot ng matinding panganib sa mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Barangay Kagawad Teodoro Balanza na nagsimula na ang unti-unting pagguho sa naturang lugar noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Balanza, ang Sitio Acupan ay isang mining area na tinitirhan at pinagtatrabahuhan ng isang libong minero, kaya’t mas mataas ang panganib sa mga naninirahan at manggagawa rito.
Ayon naman sa Itogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), patuloy ang kanilang monitoring at validation sa lugar. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng clearing operations ang mga volunteers upang linisin ang apektadong bahagi.
Matatandaang iniulat ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na tinatayang 184 ektarya ng Itogon ang kabilang sa mga high-risk area para sa landslide. Kabilang dito ang Barangay Virac at Ampucao, na isinailalim sa critical zone classification dahil sa madalas na pagguho ng lupa tuwing tag-ulan.
Noong Hunyo 22, tatlong minero ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Camp 5, Acupan, sa parehong barangay.
Dahil sa patuloy na banta ng pagguho, muling nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Itogon sa mga residente na agad lumikas sa mas ligtas na lugar kapag nakaramdam ng anumang senyales ng paggalaw ng lupa.