Isinasapinal na ng kampo ni dating Deputy Officer Ricardo Zulueta ang pagsasampa nila ng “petition for certiorari” sa Court of Appeals.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Atty. Lauro Gacayan, legal counsel ni Zulueta, sinabi nito na kanilang kukuestionin ang resolusyon ng Justice Department at ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng dalawang sangay ng Regional Trial Court o RTC sa Metro Manila laban sa kanyang kliente.
Target nilang isampa ang kanilang petisyon sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan bilang pagsunod sa 60-day period rule.
Ating pakinggan ang naging panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Gacayan, ang legal counsel ni Zulueta
Samantala, duda naman si Atty. Gacayan na makakamit ng kanyang kliente ang tamang hustisya sa ilalim ng pamumuno ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sila dudulog sa Court of Appeals dahil noon pa man ay may pre-judgement na si Secretary Remulla sa nasabing kaso.
Ito rin aniya ang rason kung bakit hindi na sila maghahain ng petition of review sa opisina ni Secretary Remulla kundi didiritsona sila sa Court of Appeals.
Dagdag nito na kung sakaling hindi rin sila magtatagumpay sa Court of Appeals ay dudulog sila sa Supreme Court.
Narito ang karagdagang pahayag ni Atty. Gacayan
Samantala, tumanggi namang magkomento si Atty. Gacayan pati si Atty. Rocky Balisong, na legal counsel ni dating Bureau of Corrections Chief General Gerald Bantag ukol sa P3 million na pabuya ng Department of Justice para sa pagkakadakip nina Bantag at Zulueta.
Matatandaang sina Bantag at Zulueta ang itinuturong mastermind sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid at ang pagpaslang sa middleman na si Jun Villamor noong nakaraang taon.//Cara S. Sacyaten