--Ads--

Inilunsad ang isang libreng medical at optical mission sa Dumol Hall, BENECO South Drive, Baguio City, upang magbigay ng tulong sa mga miyembro at konsyumer ng isang electric cooperative.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanilang inisyatiba upang maihatid ang libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente, bilang pasasalamat sa patuloy nilang suporta sa kooperatiba.

Nagsimula ang aktibidad kahapon at ipinagpatuloy ngayong araw mula alas-nuebe ng umaga hanggang alas dose ng tanghali, ngunit maaaring ma-extend hanggang hapon kung marami pa ang nangangailangan ng tulong.

Ayon kay Atty. Janeene Depay-Colingan ang Executive Director at General Manager ng naturang programa, layunin ng aktibidad na maihatid ang libreng serbisyong medikal at— optical sa mga miyembro at konsyumer bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na suporta.

Aniya, kabilang sa mga serbisyo ang pamamahagi ng libreng reading glasses sa mga kwalipikadong benepisyaryo, partikular na sa may edad apatnapo pataas.

Dagdag niya, bukod sa optical services, may apat na doktor mula sa Maynila at Isabela na nagbibigay ng libreng medikal na konsultasyon. Mayroon ding libreng gamot at bitamina para sa mga bata, depende sa kanilang pangangailangan.

Para sa mga nais mag-avail ng serbisyo, kinakailangan lamang magparehistro, sumailalim sa basic check-up o vital sign at kumonsulta sa mga doktor bago matanggap ang gamot o salamin.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga organizer sa lahat ng nakiisa, kabilang ang mga volunteer doctors at medical professionals na nagbigay ng kanilang serbisyo nang libre.

Inaasahang maisasagawa rin ang ganitong inisyatiba sa ibang bahagi ng bansa upang mas marami pang miyembro at konsyumer ang makinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan.// Bombo Local News Correspondent Rizza Gwen DoƱamal