BAGUIO CITY – Aabot na sa dalawampu’t walo (28) ang bilang ng mga naitalang insidente ng pamamaril sa lalawigan ng Abra sa gitna ng papalapit na halalan.
Sa nasabing bilang, anim ang itinuturing na election-related violence o may kaugnayan sa darating na eleksyon.
Dahil dito, naghahanda na ang 170 pulis upang magsilbing electoral board, sakaling umatras ang mga gurong naitalaga para sa araw ng botohan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Julius Torres, Regional Director ng Commission on Elections–Cordillera, sinabi niyang ang mga naturang pulis ay sumailalim na sa kaukulang pagsasanay.
Matatandaan na sa mga nagdaang eleksyon sa Abra, may ilang guro ang umatras sa huling sandali, kaya’t mga pulis ang nagsilbing electoral board sa mismong araw ng halalan.
Bukod sa 170 pulis, nagpadala rin ng karagdagang 240 police personnel ang Police Regional Office–Cordillera sa iba’t ibang munisipyo ng Abra, kasama ang mga tauhan mula sa Baguio City Police Office, Ifugao Provincial Police Office, at iba pang yunit ng kapulisan sa rehiyon.
Ayon kay Atty. Torres, mas mahigpit na pagbabantay ang ipatutupad sa mga bayan ng Bangued, Pidigan, at Pilar, kung saan naitala ang anim na kaso ng election-related violence.
Isinailalim sa orange category ang mga nasabing bayan dahil sa seryosong banta sa seguridad ngayong eleksyon.
Samantala, anim na kinatawan mula sa European Union ang itinalagang election observers sa buong Cordillera Region.
Muling nanawagan naman si Atty. Torres sa mga kandidato na maging responsable, magpakita ng paggalang sa kapwa kandidato, at ipamalas sa taumbayan na sila’y karapat-dapat sa tiwala ng publiko.