--Ads--

Puspusan ang paghahanda ng Filipino Paralympic athlete na si Jerrold Pete Mangliwan para sa prestihiyosong World Para Athletics Championships na gaganapin mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 5, 2020 sa New Delhi, India.


Sa panayam ng Bombo Radyo, tiniyak ni Mangliwan na hindi niya tinitipid ang oras at lakas sa araw-araw na ensayo upang masiguro ang tamang kondisyon bago sumabak sa matitinding laban. Ayon sa kanya, posibleng bumiyahe na sila patungong India sa Setyembre 26 o sa huling linggo ng buwan.


Tatlong event ang kanyang lalahukan: ang men’s 400m-T52, men’s 100m-T52, at men’s 1500m-T52.


Buong puso ang kanyang pasasalamat na hanggang ngayon ay nakakapagkompitensya pa rin siya sa pinakamataas na antas, bagay na iniuugnay niya sa kanyang mahigpit na disiplina sa buhay.


Gayunpaman, aminado siyang dumaraan pa rin siya sa ilang injury, kaya mas maingat na siya sa bawat hakbang ng kanyang paghahanda. Dagdag niya, ang pamilya ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng motibasyon upang ipagpatuloy ang laban.

Ang World Para Athletics Championships ay itinuturing na pinakamalaking solong Para sport event sa buong mundo. Kada dalawang taon itong inorganisa ng World Para Athletics, at dinadayo ng mahigit 1,000 elite athletes na may pisikal, intelektwal, at visual na kapansanan mula sa iba’t ibang bansa upang makipagsabayan sa higit 160 track at field events.


Bukod sa pagsubok ng lakas at bilis, layunin din ng paligsahan na ipakita ang kahusayan ng mga atleta at isulong ang diversity at inclusivity para sa mga taong may kapansanan.


Matapos ang World Championships, susunod namang pagtutuunan ng pansin ni Mangliwan ang ASEAN Para Games na gaganapin sa Enero sa Thailand, kasunod ng SEA Games.