--Ads--

Mountain Province – Limang bahay ang tuluyang nasira matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan, ayon sa ulat ng Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamamagitan ng kanilang Emergency Operations Center (EOC).

Sa kabutihang-palad, walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Patuloy na mino-monitor ng MDRRMC ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan ito sa mga barangay DRRM committees upang maisagawa ang mga kinakailangang tugon at rehabilitasyon.

Batay sa ulat ng konseho noong Nobyembre 10, 2025, ang mga sumusunod na pinsala ay naitala:

1. Isang makeshift house sa Agkhuyo, Barangay Samoki, na pagmamay-ari ng isang 57-anyos na residente na mag-isa lamang nakatira.

2. Isang makeshift house sa Am-anani, Barangay Bontoc Ili, na tuluyang tinangay ng pagguho ng lupa.

3. Isang bahay sa Barangay Tocucan, na tuluyang natabunan ng landslide.

4. Isang bahay na nasa ilalim ng konstruksyon sa Sukit, Barangay Samoki, na winasak ng pagguho ng lupa.

5. Isang bahay sa Barangay Alab Proper, na lubusang nasira.

Hinimok ng MDRRMC ang publiko, lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na madalas bahain o gumuho, na manatiling mapagmatyag at agad sumunod sa mga abiso at kautusan ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang sakuna.