Patuloy ngayong iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection – Baguio ang pagkasunog ng isang silid ng Department of Public Works and Highways – Cordillera Administrative Region o DPWH-CAR Office sa Engineers Hill, Baguio City pasado alas singko ng hapon noong January 14.
Ayon kay FSupt Mark Anthony Dangatan, City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection- Baguio City, agad ding naapula ang nasabing sunog at idineklara ang fire out bago mag-alas sais ng hapon sa nasabing araw.
Sa inisyal na impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Baguio, storage room sa basement ng gusali nangyari ang sunog kung saan, isa sa mga tinitingnang pinagmulan nito ay ang mga christmas decorations gaya ng christmas lights.
Ayon sa mga kinauukulan,empleyado rin ng DPWH-Cordillera ang nagpaalam sa nangyaring sunog na ayon sa kanila ay umabot lamang sa first fire alarm level.
Sa opisyal na pahayag naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH), aabot lamang sa dalawang metro cuadrado na bahagi ng silid ang nasunog at ito ay “fully secured”na.
Tiniyak din ng ahensiya na walang nasaktan sa nasabing insidente.
Sinabi rin nito na nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Fire Protection at sa lokal na pamahalaan ng Baguio para sa imbestigasyon kung ano ang sanhi ng nasabing insidente.
Sa kasalukuyan, binabantayan na ng mga kawani ng Baguio City Police Office (BCPO) ang pinangyarihan ng insidente.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo Baguio upang makakuha ng karagdagang impormasyon mula sa mga kinauukulang sa kasalukuyan ay tumangging magbigay ng pahayag.//Bombo News Team






