--Ads--

Posible umanong mabuwag ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa kakulangan nito ng kapangyarihan at awtoridad.

Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nahihirapan ang komisyon na gampanan ang mandato nito, lalo na’t iisa na lamang ang natitirang commissioner.

Dagdag pa ng alkalde, naging hindi epektibo ang operasyon ng ICI matapos itong mawalan ng kapangyarihang magsagawa ng mga imbestigasyon—isang tungkuling itinuturing niyang pinakamahalaga sa komisyon.

Binigyang-diin din niya na nahihirapan silang makahanap ng mga “volunteers” para sa komisyon dahil sa kawalan ng sapat na awtoridad.

Aniya, hindi niya kinukuwestiyon ang kakayahan at dedikasyon ng mga komisyoner, subalit hindi sila makagaganap nang maayos sa kanilang trabaho kung wala silang sapat na kapangyarihan.