
BAGUIO CITY — Inihayag ni Mayor Benjamin Magalong na laging kulang sa gamot ang mga pharmacy ng mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health (DOH), kabilang ang Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).
Ayon sa alkalde, may isang indigent na humihingi sa kanya ng isang espesyal na gamot para sa cancer dahil walang stock sa pharmacy ng ospital.
Dahil dito, kinailangang gumastos ng malaking halaga ang pasyente upang mabili ang gamot sa labas ng ospital.
Iginiit ni Mayor Magalong na sa pagbili ng DOH ng mga mamahaling kagamitan, laging overpriced ang presyo. Ani niya, dapat imbestigahan kung bakit palaging mataas ang halaga ng mga medical equipment.
Dagdag pa rito, sinabi ng alkalde na delayed din ang distribusyon ng mga gamot, at may ilang stock na malapit nang mag-expire.
Iginiit niya na dapat masusing imbestigahan ang korupsyon sa loob ng DOH upang matiyak ang maayos at ligtas na serbisyo sa mga pasyente.






