--Ads--

Naniniwala si Baguio City Congressman Atty. Mauricio Domogan na wala siyang nakikitang malinaw na paglabag sa Konstitusyon o “betrayal of public trust” na ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. batay sa impeachment complaint na inihain laban sa pangulo.

Isa sa mga batayan ng impeachment complaint ay ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang umano’y pag-extradite nito sa The Hague, Netherlands. Ayon kay Domogan, may inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) na ipinroseso sa pamamagitan ng International Police Organization (INTERPOL). Saklaw umano ng nasabing warrant ang panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte, noong miyembro pa ang Pilipinas ng ICC. Bagama’t umatras na ang bansa bilang miyembro ng korte, sinabi ni Domogan na nangyari ito bago pa man inilabas ang warrant of arrest.

Ikalawa sa mga binanggit na isyu ay ang umano’y adiksyon ni Pangulong Marcos Jr., na unang nabanggit ni Senator Imee Marcos sa isang rally na inorganisa ng Iglesia ni Cristo noong nakaraang taon. Ayon kay Domogan, wala siyang nakikitang ebidensiya na magpapatunay na gumagamit ng ilegal na droga ang pangulo at itinuring lamang niyang isang “alegasyon” ang pahayag ng senador laban sa kanyang kapatid.

Dagdag pa ni Domogan, naniniwala siyang ginagawa ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat ng kanyang makakaya upang pagsilbihan ang Pilipinas.

Ikatlo namang isyu ang hindi pag-veto ng pangulo sa ilang kontrobersyal na unprogrammed funds na kabilang din sa mga binanggit sa impeachment complaint. Para kay Domogan, walang indikasyon na direktang sangkot si Pangulong Marcos Jr. sa naturang pondo. Kinuwestiyon din niya ang reklamo dahil ang nasabing budget ay naipasa ng parehong Kamara at Senado.

Ayon pa sa kongresista, ang Kongreso ang dapat managot sa pagpasa ng 2025 national budget.

Dahil sa mga nabanggit na batayan ng impeachment, sinabi ni Domogan na maaari umanong agad na i-dismiss ng Justice Committee ang nasabing reklamo.