Patuloy ang implementasyon ng Barangay Anti-Road Obstruction (BARCO) Program sa iba’t ibang barangay sa lungsod, ayon kay Councilor Rocky Aliping.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Aliping na lingguhan ang isinasagawang monitoring ng mga isyu sa road obstruction at ang mga resulta nito ay isinusumite sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Dagdag pa niya, kapag may napansing road obstruction, maaaring ipagbigay-alam ito sa barangay upang agad na maipatupad ang BARCO. Maaari rin umanong i-post sa social media ang mga insidente upang maging mulat ang publiko.
Ayon kay Aliping, ang DILG ang nagbibigay-alam kung aling mga barangay ang sumusunod o hindi sumusunod sa buwanang pagsusumite ng ulat hinggil sa mga kaso ng road obstruction.
Nilinaw ng konsehal na hindi lamang mga sasakyan ang saklaw ng programa kundi pati mga tindahan, gusali, at iba pang estrukturang humahadlang sa maayos na daloy ng mga tao sa kalsada. Ang mga mahuhuling lumalabag ay bibigyan ng ticket alinsunod sa umiiral na resolusyon ng barangay.
Samantala, ibinahagi rin ni Aliping na ang kanyang panukalang ordinansa ukol sa karagdagang ₱100 sa garbage collection fee para sa mga hotel, restaurant, at iba pang sektor ng negosyo ay nasa ikatlo hanggang ikaapat na pagbasa na ng konseho. Aniya, nakabatay sa tamang formula at dami ng basurang nalilikha ang singil at hindi ito lalabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Dagdag pa niya, maaaring bayaran ang garbage collection fee nang quarterly. Para naman sa pagbabayad ng business permit, may mga piling barangay kung saan maaaring isagawa ang transaksiyon.
Mayroon na ring planong ipatupad na online payment options upang hindi na kailangang pumila pa sa City Treasurer’s Office.
Sa huli, sinabi ni Aliping na limitado lamang sa mga punong barangay ang mga paparada sa pagsalubong ng Panagbenga Festival, kung saan may nakalaang costume at mascot, kasabay ng taunang fundraising event ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFI) at ng Liga ng mga Barangay. | via Bombo Jay-an Gabrillo










