--Ads--

Baguio City – Tinatayang 200 kaso ng maramihang nagke-claim sa mga puwesto sa Maharlika Livelihood Center ang kasalukuyang tinutugunan ng lungsod upang maipatupad ang patakarang “isang tao, isang puwesto.”

Ayon kay Assistant City Treasurer Fernando Ragma Jr., inaasahang mareresolba sa loob ng buwan ang 53 kaso sa bagong nabiling ari-arian ng lungsod. Layunin ng pamahalaan na matukoy ang aktuwal na bilang ng mga lehitimong stallholders at matigil ang laganap na sub-leasing.

Noong nasa ilalim pa ng HSDC, naitala ang humigit-kumulang 960 lessees, ngunit ayon sa imbentaryo ng lungsod, mahigit 600 lamang ang aktwal. Ang diperensiya ay dahil sa maramihang nagke-claim at paghahati ng malalaking puwesto na kalaunan ay isinub-lease.

Pinayuhan ni Ragma ang mga nangungupahan na hintayin ang desisyon ng transition committee. Mananatili ang status quo habang nireresolba ang mga alitan. Ang desisyon ay ibabatay sa konkretong patunay ng aktuwal na okupasyon at pagbabayad ng upa.