--Ads--

Ibinahagi ni Baguio Baseball Team Coach Mister Pagaduan na ang pangunahing hamon na kinakaharap ng koponan sa kanilang paghahanda para sa nalalapit na Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet ay ang kakulangan ng maayos na lugar para sa pagsasanay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pagaduan na bukod sa kawalan ng training ground, isa rin sa kanilang suliranin ang limitadong oras ng pagsasanay dahil kinakailangang i-maximize ang oras ng mga manlalaro matapos ang kanilang klase.

Dahil dito, nakabuo ang koponan ng isang training program kung saan tuwing Sabado ay bumibiyahe sila patungo sa mga mababang lugar upang maisagawa nang mas maayos ang kanilang pagsasanay.

Dagdag pa ng coach, malaking hamon din ang kakulangan sa training facilities at sports equipment, lalo’t wala silang sponsor na sumusuporta sa koponan. Aniya, walang naibibigay na tulong ang lungsod ng Baguio kaya’t madalas ay mula sa kanilang sariling bulsa ang pambili ng mga bola at iba pang kagamitang pampalakasan.

Sa kabila ng mga hamong ito, tiniyak ni Pagaduan na patuloy silang magsisikap at gagawa ng paraan upang makapagtala ng magandang performance ang koponan, layuning makasungkit ng mga medalya at mapanatili ang kanilang titulo bilang mga kampeon. | via Intern Althea Lopez