Baguio City- Nagbigay ng apat na hemodialysis machines ang Cordillera Golfers Foundation, Inc. (CGFI) sa mga piling district at provincial hospital sa mga lalawigan ng Apayao, Benguet, Kalinga, at Mountain Province upang makatulong sa lumalaking bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis sa rehiyon.
Ang mga makinang ito ay ipinagkaloob sa Flora District Hospital sa Flora, Apayao; Bontoc General Hospital sa Mountain Province; Kalinga Provincial Hospital; at Dennis Molintas District Hospital sa Bokod, Benguet.
Ayon sa CGFI, ang mga hemodialysis machine ay binili mula sa nalikom na pondo sa ikatlong CGFI Golf Tournament na ginanap sa Baguio City noong unang bahagi ng 2025.
Isinagawa ang donasyon sa pakikipagtulungan sa Department of Health–Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) sa pangunguna ni Regional Director Dr. Amelita Pangilinan, bilang tugon sa patuloy na pagdami ng mga dialysis patient sa mga lalawigan sa Cordillera.
Layunin ng proyekto na mapalawak ang access sa hemodialysis services sa mga lokal na ospital upang mabawasan ang pangangailangang bumiyahe ng malayo ng mga pasyente at ang kanilang gastusin sa transportasyon at iba pang kaugnay na gastos.
Pinangunahan nina CGFI President Arnel Peil at DOH-CAR Regional Director Dr. Amelita Pangilinan ang paglagda sa kasunduan para sa nasabing donasyon.Via Bombo Jordan Tablac











