--Ads--

Humingi ng paumanhin na si Jacqueline P. Sioco kaugnay ng naganap na insidente sa Kabayan Town Fiesta noong Nobyembre 28, 2025, kung saan inamin niyang nakapagsalita siya ng masasakit at nagbitiw ng pagbabanta laban sa Cordilleran vlogger na si George G. Tobias o mas sikat sa pangalang “Pepita.” ‎

‎Sa kanyang liham, inilahad ni Sioco na nagkaroon siya ng “public outburst” dulot umano ng personal na dahilan, na nagresulta sa pagsigaw ng mapanirang salita at pagbabanta sa ari-arian ni Tobias.

Ayon sa kanya, nagpatuloy ang insidente kahit sinubukan siyang pakalmahin ng pamilya ng biktima. ‎

‎Dagdag pa niya, muli siyang nakapagsalita ng hindi kanais-nais matapos ang insidente, kabilang ang panibagong pagbabanta na tumukoy sa establisyemento ni Tobias. ‎

‎Humingi rin siya ng paumanhin kay Daisy B. Vallejo at sa buong pamilya nito, na umano’y napilitang umawat sa kanya habang nagaganap ang komosyon.

‎ ‎Inamin ni Sioco ang kanyang pagkakamali at iginiit na wala itong dahilan, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa mga nakasaksi ng insidente.

Nangako rin siya na hindi na mauulit ang naturang pangyayari. ‎

‎Samantala, naglabas naman ng pahayag si Tobias matapos umano itong makaranas ng pambabastos at negatibong komento online, na nauwi sa kanyang desisyon na pansamantalang tumigil sa paggawa ng content.

‎ ‎Sa kanyang mensahe, sinabi ng content creator na naramdaman niyang may obligasyon siyang magpaliwanag sa kanyang mga tagasuporta, na aniya’y naging dahilan kung bakit niya narating ang kanyang tagumpay.

Gayunman, aminado siyang labag sa kanyang kalooban ang biglaang pagkawala nang walang paalam. ‎ ‎

Ayon sa kanya, ang insidenteng naranasan—kabilang ang umano’y pambabastos—ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit siya huminto sa content creation.

Mayroon pa umano itong mas malalim na dahilan, ngunit pinili na lamang niyang hindi ito ibahagi sa publiko. ‎ ‎Sa kasalukuyan, tiniyak ng content creator na siya ay nasa maayos na kalagayan.

Gayunpaman, inamin niyang ang dati niyang kinagigiliwang paggawa ng content ay hindi na nagdudulot sa kanya ng parehong interes at pananabik. ‎ ‎

Humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang mga tagasuporta na patuloy na nag-aabang ng kanyang mga post, at sinabing hindi niya masisiguro kung siya ay muling makakabalik sa pag-upload ng mga video o larawan.

‎ ‎Iginiit pa ni Tobias ang epekto ng online na panlalait sa kanyang mental at emosyonal na kalagayan, dahilan upang piliin muna ang paglayo sa social media. ‎

‎Sa huli, nagpaabot siya ng pasasalamat sa kanyang mga tagasuporta, na tinawag niyang “Kakabsat,” bilang pagkilala sa kanilang patuloy na suporta.