--Ads--

BAGUIO CITY- Iginiit ni Baguio City Congressman Atty. Mauricio Domogan na isang constitutional mandate o tungkulin ng Kongreso ang pagsasagawa ng impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte na kasalukuyang tinatalakay ng House Justice Committee.


Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na sa sandaling may naihain nang impeachment complaint, kinakailangan itong iproseso ng Kongreso at hindi maaaring i-defer dahil may itinakdang limitadong panahon para rito.


Paliwanag niya ito kaugnay ng panawagan ng ilan na isantabi muna ang pagdinig at unahin ang kinakaharap na energy crisis ng bansa.


Ayon kay Domogan, ito ang hindi nauunawaan ng ilang indibidwal. Aniya, kailangang isagawa ang hearing upang maiwasan ang posibleng gross negligence at upang hindi makompromiso ang tungkulin ng Kamara de Representantes sa paghawak ng ganitong uri ng kaso.


Dagdag pa niya, maaari namang ipagpaliban ang pagdinig sa loob ng limitadong panahon alinsunod sa itinakdang time frame sa rules, ngunit dapat pa rin itong ipagpatuloy; kung hindi, maaari itong ituring na paglabag sa constitutional duty.


Kasabay nito, sinabi niyang maaari namang magpatuloy ang pamahalaan sa pag-aksyon at pagpapatupad ng mga hakbang upang tugunan ang mga emergency, kabilang ang energy crisis.


Ayon pa sa kanya, naipasa na rin ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang pagtanggal ng excise tax at agarang paglalabas ng pondo para sa ayuda sa mga apektadong sektor upang mabawasan ang epekto ng krisis.