Ilang taxi driver sa Baguio City ang nabigyan ng tulong pinansyal bilang paraan upang maibsan ang kanilang pasanin dulot ng krisis sa bansa na may kaugnayan sa tensyon sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Engineer Richard Benjamin Lardizabal, City Engineer ng City Engineering Office, na nasa 280 taxi driver na ang nabigyan ng tulong sa Convention Center sa Baguio City, dahil sila lamang ang may kumpletong dokumento.
Nakatanggap ang bawat isa ng humigit-kumulang ₱3,000, na mas mababa kumpara sa ibinigay sa mga operator ng Public Utility Vehicles (PUV).
Kabilang sa mga isinumiteng requirements ng mga benepisyaryo ang barangay certificate na nagpapatunay ng kanilang paghingi ng tulong pinansyal, balidong driver’s license, at sertipikasyon mula sa kanilang operator.
Ipinaliwanag ng opisyal na maaari pa ring magsumite ng aplikasyon para sa naturang tulong. Aniya, patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga dokumento na isusumite sa CSWDO para sa ebalwasyon. Dagdag pa niya, nauunawaan nila ang kalagayan ng mga taxi driver na nangangailangan ng tulong.
Samantala, umabot sa 3,346 ang rehistradong taxi driver sa Baguio City, ngunit 1,537 lamang ang nakarehistro sa kanila.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang isang taxi driver sa paraan ng pamamahagi ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Romeo Vicente, sinabi niyang ang sistemang ito ay nagdudulot lamang ng “sakit ti nakem.”
Ayon kay Lardizabal, ang pamamahagi ng tulong ay hindi nakabatay sa bilang ng mga driver sa isang operator. Halimbawa, kung may tatlong driver sa isang operator, ang unang nasa listahan lamang ang makatatanggap ng tulong pinansyal, at nasa kanya na kung ibabahagi niya ito sa kanyang mga kasamahan.
Nauna nang ipinaliwanag ni Lardizabal na ang layunin ng tulong ay bahagyang maibsan ang pasanin ng mga taxi driver, kahit na ito ay maliit lamang.
Samantala, iminungkahi ni Vicente na dapat kalkulahin ng kinauukulang tanggapan kung sapat ba ang halagang ibinibigay. Aniya, kung magbibigay din lamang ang gobyerno, mas makabubuting tiyaking makatutulong ito nang sapat sa kanilang pangangailangan.











