Iniulat ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na aabot sa 8,658 senior citizens sa Cordillera region ang nakatanggap ng tig-P100,000 cash gift sa ilalim ng Republic Act 11982 o ang Expanded Centenarians Act.
Batay sa datos, 2,795 ang mga benepisyaryo mula Marso 17 hanggang Disyembre 31, 2024; 5,668 noong 2025; at 195 mula Enero 1 hanggang 31 ngayong taon.
Ayon kay NCSC Cordillera Director Luz Laureta-Balisong, umabot sa P96.03 milyon ang kabuuang pondong inilabas para sa programa.
Mayroon pang 2,187 aplikasyon na kasalukuyang bineberipika at inaasahang maipapamahagi ang mga benepisyo sa Mayo o Hunyo.
Ipinaliwanag niya na maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong senior citizen anim na buwan hanggang isang taon bago ang kanilang kaarawan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng beripikasyon upang matiyak na buhay ang benepisyaryo. Gayunpaman, may exemption sa kaso ng pagkamatay ng aplikante, basta’t naabot niya ang itinakdang milestone age bago pumanaw.
Dagdag pa niya, mahalaga ang maagang aplikasyon upang matukoy ang aktwal na bilang ng mga nakatatandang nasa advanced age, na makatutulong sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programa.
Sa ilalim ng batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero 2024, ang mga senior citizen ay tatanggap ng P10,000 sa edad na 80, 85, 90, at 95, at P100,000 naman sa pag-abot ng edad na 100.











