LA TRINIDAD, Benguet – Inilunsad ng Benguet State University (BSU) ang isang patimpalak upang matukoy ang opisyal na trade name at trademark o logo na magsisilbing pagkakakilanlan ng Benguet native pig sa mga susunod na branding, promosyon, at proyekto.
Ayon sa BSU, layunin ng contest na makalikha ng natatangi at makabuluhang pangalan at disenyo na sumasalamin sa kultura at identidad ng mga taga-Benguet.
Bukas ang patimpalak sa mga magsasaka, kabataan, kababaihan, kooperatiba, Indigenous Peoples, at iba pang miyembro ng komunidad sa buong lalawigan. Ang mga kalahok ay kinakailangang magsumite ng kanilang entries sa kani-kanilang lokal na pamahalaan, kung saan ang Municipal Agriculture Office (MAO) ang mangangalap at magsusumite ng opisyal na entry ng bawat munisipalidad sa BSU Native Pig Project Team.
Kailangan sa bawat entry ang isang trade name na may maikling paliwanag at isang logo na may kaukulang paglalarawan, na kapwa hindi lalagpas sa 300 salita. Dapat ding orihinal, angkop sa kultura, at nagpapakita ng indigenous heritage ng Benguet ang mga isusumiteng disenyo.
Huhusgahan ang trade name batay sa cultural identity, uniqueness, memorability, at branding potential, habang ang logo naman ay susuriin ayon sa cultural representation, originality, visual appeal, flexibility, at kalidad ng disenyo.
Makakatanggap ang mga mananalo ng tig-isang Benguet native pig at Certificate of Recognition, habang ang iba pang kalahok ay bibigyan ng sertipiko at token. Ang mapipiling trade name at logo ay opisyal na gagamitin ng BSU, na maaari ring sumailalim sa kaunting pagbabago kung kinakailangan.
Ang lahat ng entries ay dapat isumite ng mga LGU sa pamamagitan ng email na thebenguetnativepigproject@gmail.com hanggang Abril 30, 2026, alas-5:00 ng hapon.
Ayon sa BSU, agad ding iaanunsyo ang mga mananalo matapos ang proseso ng judging.











