--Ads--

Patuloy ang isinasagawang final interview sa mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay sa Baguio City para sa rice subsidy distribution ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor at ABC President Rocky Aliping, sinabi niyang inatasan ng pamahalaang lungsod ang mga opisyal ng barangay na isumite ang kanilang listahan ng mga benepisyaryo. Aniya, itinakda ng CSWDO ang mga pamantayan sa pagpili ng mga kwalipikadong tatanggap, na kanilang sinunod.

Ang tulong ay mula sa pambansang pamahalaan at ipapamahagi sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan ng Baguio sa mga kwalipikadong residente.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga senior citizen, solo parents, indigent, kababaihan, at mga driver ng public utility jeepney (PUJ), habang hindi kabilang ang mga nasa middle-income class.

Inaasahang makatatanggap ang bawat benepisyaryo ng isang kahon o katumbas na 50 kilo ng bigas.

Ipinaliwanag ni Aliping na ang mga hindi mapapasama sa rice subsidy ay maaari pa ring makatanggap ng ibang uri ng tulong tulad ng financial assistance, at maisama sa mga programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Food for Work, at TUPAD.