--Ads--

Inihayag ng isang opisyal na “same old story” pa rin pagdating sa sahod at working conditions ang sitwasyon ng mga health worker sa Cordillera.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Carmen Bolinto, point person ng Coalition of Health Workers Cordillera, sinabi niyang overworked ngunit underpaid ang maraming health worker sa rehiyon.

Ayon sa kanya, marami namang health workers ngunit kulang ang plantilla positions at job openings, lalo na para sa mga nurse at iba pang health professionals, kaya tila nagkukulang pa rin ang workforce sa mga ospital.

Ibinahagi rin niya na marami na umanong nagre-resign sa mga ospital at maging sa academe, partikular ang mga faculty worker, upang magtrabaho sa ibang bansa. Dahil dito, nananatili umanong isa ang Pilipinas sa pangunahing exporter ng health workers sa buong mundo.

Aniya, nangangamba ang maraming institusyon sa kakulangan ng health workers, lalo na matapos magsara ang ilang ospital noong panahon ng pandemya.

Iginiit din niya na kakaunti ang mga nurse at iba pang health workers sa mga pampubliko at pribadong ospital, dahilan upang maapektuhan ang serbisyo sa mga pasyente.

Dagdag pa niya, marami pang kailangang ayusin sa mga government hospital kung saan nakararanas ng overcrowding at mahabang pila ng mga pasyente araw-araw.

Ayon kay Bolinto, malaking hamon pa rin ang mababang sahod kaya marami sa mga nurse ang pinipiling umalis ng bansa. Dahil dito, nanawagan sila sa pamahalaan na magbukas ng mas maraming posisyon at itaas ang suweldo upang mahikayat ang mga health worker na manatili sa Pilipinas.