Inihayag ng isang opisyal na mas mabuting konsultahin muna ang mga magsasaka bago magpasya sa pag-angkat ng carrots mula sa ibang bansa, kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture (DA) na mag-iimport sila ng mga gulay upang ma-stabilize ang suplay sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atok Mayor Franklin Smith, sinabi nito na mahalagang konsultahin ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang lugar tulad ng Mountain Province, Nueva Vizcaya, at ilang bahagi ng Mindanao dahil sila ang pangunahing maaapektuhan ng naturang hakbang. Dagdag pa niya, kung sakaling kulang ang suplay ng gulay, maaari naman itong agad na matugunan.
Batay aniya sa kanilang obserbasyon, sapat naman ang suplay ng carrots sa kanilang lalawigan.
Ayon pa kay Smith, wala pang naisasagawang pagpupulong kasama ang mga magsasaka sa Atok dahil hinihintay pa nila ang magiging pulong kasama ang national government.
Inihayag din ng alkalde na hindi madali ang pagiging isang magsasaka dahil kaakibat nito ang maraming sakripisyo, kaya’t umaasa silang makikipagpulong ang pambansang pamahalaan sa kanila upang marinig ang kanilang panig.
Tiniyak naman ni Mayor Smith na tuloy-tuloy ang pagtatanim ng mga magsasaka. Aniya, may tinatawag silang crop rotation kung saan may mga nagtatanim ng patatas, carrots, repolyo, wombok, at iba pang uri ng gulay.
Hindi rin umano sila tumitigil sa pagtatanim at pag-aani ng mga nasabing produkto, kaya naniniwala siyang may sapat na suplay dahil hindi lamang Benguet ang nagtatanim ng gulay kundi maging ang iba pang lugar sa bansa.
Dahil dito, nanawagan siya sa gobyerno na pakinggan ang hinaing ng mga magsasaka. Sinabi niyang mahirap maging isang farmer dahil sa matinding pagsasakripisyong kaakibat nito, at ayaw niyang panghinaan ng loob o ma-depress ang mga ito.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na nirerespeto niya ang mga matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Benguet. Ayon sa kanya, mahalagang makabuo ng resolusyon kaugnay ng isyu at ipaabot ito sa Department of Agriculture–Cordillera Administrative Region (DA-CAR) sa pangunguna ni Regional Executive Director Atty. Jennilyn M. Dawayan upang maisumite sa national government.
Binigyang-diin din niya na mahalagang dumaan sa tamang proseso at maresolba ang isyu sa maayos at diplomatikong paraan.
Sa huli, hinikayat niya ang mga magsasaka na huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga kinakaharap na isyu.











