Nagsagawa ng pulong ang mga kinauukulang ahensya kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga creek at kanal, gayundin sa maayos na pangongolekta ng basura.
Ito ay kasunod ng naging obserbasyon ng alkalde na muli na namang nagkalat ang basura sa kabila ng maraming direktiba at memorandum na inilabas ng lungsod hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Benjamin Macadangdang, Assistant Executive Secretary ng Barangay Affairs Office, sinabi nito na kabilang sa mga lugar na napansing maraming basura ay ang City Camp Lagoon, lalo na matapos ang ilang pag-ulan.
Dahil dito, iniutos ni Mayor Magalong na tukuyin ang mga lumalabag upang hindi masanay ang mga residente sa pagtatapon ng basura sa mga kanal at sapa.
Nanawagan naman si Macadangdang sa mga opisyal ng barangay na makipagtulungan upang matukoy ang mga lumalabag at makapagsampa ng kaukulang reklamo ang City Mayor’s Office laban sa mga ito.











