--Ads--

Isang 39-anyos na lalaki, isang karpintero at tubong Abra na kasalukuyang residente ng Kias, Baguio City, ang idineklarang dead-on-arrival matapos magtamo ng brain herniation secondary to severe traumatic brain injury dulot ng pagkakabangga ng minamaneho niyang motorsiklo sa isang pick-up truck noong Mayo 11.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng pick-up truck ang kalsada patungong Baguio City habang ang motorsiklo naman ay papunta sa La Union.

Gayunman, pagsapit ng mga ito sa Marcos Highway, Sitio Sebit, Taloy Sur, Tuba, Benguet, sinakop umano ng motorsiklo ang kabilang linya ng kalsada dahilan upang bumangga ito sa pick-up truck.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, tumilapon ang motorsiklo nang humigit-kumulang 23 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Nagtamo ng matinding pinsala ang drayber ng motorsiklo at agad na isinugod sa ospital habang hindi naman nasugatan ang drayber ng pick-up truck, bagamat nasira ang kanang bahagi ng front bumper ng sasakyan.

Sa huling ulat ng mga otoridad, kapwa lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang dalawang panig kung saan pumayag ang ina ng drayber ng pick-up truck na sagutin ang gastos sa funeral services at pagpapalibing.

Kapalit nito, hindi na magsasampa ng kriminal o civil case ang pamilya ng namatay na drayber ng motorsiklo.

Dahil dito, pinalaya na ng pulisya ang drayber ng pick-up truck mula sa kanilang kustodiya.