BAGUIO CITY — Isang makabuluhang yugto ng pananampalataya, pagbabago, at pag-asa ang ipinagdiwang sa Baguio City Jail Male Dormitory matapos matagumpay na makapagtapos ang labinlimang (15) Persons Deprived of Liberty (PDL) sa programang “The Prisoner’s Journey” sa ilalim ng pamumuno ni Jail Chief Inspector Atty. Dexter B. Ngipol.
Ang graduation ceremony ay nagsilbing paalala na ang bawat indibidwal ay may kakayahang magbago at magsimulang muli sa pamamagitan ng pananampalataya, gabay, at pagtitiyaga. Sa tulong ng mga facilitator, volunteers, at partner ministries, nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na mapalalim ang kanilang relasyon sa Diyos at magkaroon ng panibagong layunin at pag-asa sa buhay.
Binigyang-diin sa mga mensaheng ibinahagi sa programa ang kahalagahan ng panalangin, personal na pagninilay, at matatag na pananampalataya bilang sandigan sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Naging inspirasyon din sa mga nagtapos ang testimonya ng guest speaker upang ipagpatuloy nila ang kanilang espiritwal na paglalakbay at positibong pagbabago kahit matapos ang programa.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang pamunuan ng Baguio City Jail Male Dormitory sa lahat ng indibidwal at organisasyong naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng naturang programa. Ayon sa kanila, tunay na ipinapakita ng “The Prisoner’s Journey” na sa pamamagitan ng pananampalataya at wastong paggabay, ang bawat paglalakbay ay maaaring humantong sa paggaling, pagtubos, at mas maliwanag na kinabukasan.











