--Ads--

Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Miyerkules ay maituturing na “attack” sa institusyon.

Sa isang press briefing, sinabi ni Cayetano na nagkaroon ng palitan ng putok matapos ang isang “warning shot” mula sa Senate Sergeant-at-Arms, at iginiit na nalagay sa panganib ang buhay ng mga nasa loob ng Senado.

“Is it not an attack?… The Senate was under attack,” ani Cayetano, sabay diin na nasa peligro umano ang mga tao sa insidente.

Samantala, sinabi ng Malacañang na ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation ay nasa kalapit na GSIS building sa Pasay City at walang isinagawang operasyon para arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Ayon sa Palasyo, walang “assault” sa Senado at walang arrest operation na isinagawa.

Tinanggihan din ni Cayetano ang mga paratang na “tumakas” si Dela Rosa o may obstruction of justice, iginiit na walang naipakitang arrest warrant sa oras ng insidente.

Binigyang-diin din niya na hindi awtomatikong kinikilala sa Pilipinas ang warrant ng International Criminal Court (ICC) kung walang tamang proseso at presentasyon sa mga awtoridad. Ayon sa kanya, kailangan pa rin ng lokal na warrant para maaresto ang isang Pilipino.

Nauna rito, ipinakita ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang umano’y kopya ng ICC warrant laban kay Dela Rosa. Kinumpirma naman ng ICC ang pag-isyu ng warrant, na kinikilala si Dela Rosa bilang “alleged indirect co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa umano’y summary killings mula 2011 hanggang 2019, kabilang ang panahon ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.