Ibinahagi ni Paul Bryan Sambrano, isang criminology graduate at proud openly gay, ang kanyang naging karanasan sa buhay at sa pag-aaral.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ikinuwento niya na nagtapos siya sa Alternative Learning System (ALS) sa loob ng isang taon, kung saan nakamit niya ang high school diploma. Pagkatapos makapasa sa ALS, nagtrabaho muna siya sa bentahan ng cellphone sa Baguio City sa loob ng apat na taon bago nagpasya na mag-kolehiyo sa edad na 27.
Ayon sa kanya, ang naging pangunahing inspirasyon niya sa pagtuloy ng kolehiyo ay ang mga hindi magagandang karanasan niya sa trabaho, lalo na dahil siya ay high school diploma holder lamang noon. Aniya, naramdaman umano niya ang pagmamaliit mula sa ilang kliyente, kaya naisip niyang ituloy ang pag-aaral hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa kanyang pamilya, na nagsilbi rin niyang inspirasyon.
Una sana niyang balak kunin ang kursong nursing, ngunit dahil sa kakulangan ng resources para sustentuhan ang pag-aaral, hindi niya ito natuloy. Sa halip, pinili niya ang Bachelor of Science in Criminology, na tinanggap niya bilang hamon sa sarili—upang patunayang hindi hadlang ang pagiging bahagi ng LGBTQIA+ community sa pagpili ng kursong nais niya.
Ibinahagi rin niya na siya ang kauna-unahang college graduate sa kanilang pamilya. Malaki rin ang naging impluwensya ng kanyang mga kaibigan na nasa uniformed services kaya pinili ang kursong criminology.
Isa sa mga naging hamon niya sa pag-aaral ay ang kanyang kakulangan sa kaalaman sa paggamit ng computer noong kolehiyo. Gayunpaman, nagpatuloy siya sa kabila ng mga pagsubok.
Sa kabila ng mga hamon, nakamit niya ang pagiging cum laude, na hindi niya inasahan. Ayon sa kanya, may mga pagkakataong mababa ang kanyang mga marka, kaya lubos siyang nagulat nang marating ang tagumpay na ito. Lalo siyang natuwa nang makita ang kasiyahan ng kanyang ama, pati na rin ng kanyang mga kaibigan, sa kanyang pagtatapos.
“Saan ko a ninamnama nga agbalinak a cum laude…Tsaka lang isuna nagsink-in during the graduation ceremony ken idi insabitda diyay medalyak. Naragsakak met especially during idi nakitak a naragsak ni tatang ko a naragsak isuna idiay nagbalin a result iti journey ko.”
Nang tanungin tungkol sa diskriminasyon, inamin niyang nakaranas siya nito, ngunit iginiit niyang mahalaga ang pagkilala sa sarili at ang tiwala sa kakayahan upang malampasan ang ganitong mga karanasan.
Nang tanungin naman tungkol sa pagpili niya ng kursong Criminology sa kabila ng pagiging proud openly gay, sinabi niya na ang naging dahilan ng kanyang interes ay ang pinaka-basic na konsepto ng krimen. Ayon sa kanya, isang napaka-interesting na larangan ang criminology dahil hindi lamang ito nakatuon sa pagpapatupad ng mga batas, kundi pati na rin sa pag-unawa sa ugat at kalikasan ng krimen.
“Kung kilala mo ang sarili mo, I think hindi ka rin naman maapektuhan pagdating sa mga discrimination.”
Inamin niya na mahirap ang kursong kanyang tinahak, kasabay ng pagsabi niya na ang pagbabago mula sa pagiging mahina o “lampa” patungo sa pagiging mas matatag o “maton.” Giit niya, kapag tunay na committed ang isang tao sa kanyang mga pangarap, kakayanin niya ang anumang pagsubok.
Sinabi pa nito na kailangan ng parehong mental at pisikal na lakas sa criminology. Aniya, mahalaga ang pagpapalakas ng pang-unawa at determinasyon upang makasabay sa mga hamon ng kurso.
Ibinahagi rin niya na malaki ang naging suporta ng kanyang mga kaklase at guro, na hindi nagparamdam sa kanya ng pagiging iba. Ayon sa kanya, nagtutulungan sila bilang isang grupo upang walang maiwan.
Bilang mensahe sa mga nag-aaral sa ALS, hinikayat niya ang lahat na ipagpatuloy ang pag-aaral at patuloy na mangarap, dahil walang limitasyon ang edukasyon anuman ang pinagmulan o estado sa buhay.
Sa ngayon, plano niyang kumuha ng board exam at magtrabaho sa larangang naaayon sa kanyang propesyon. Isinasaalang-alang din niya ang pagpasok sa akademya o iba pang kaugnay na larangan sa hinaharap.










