Happy at grateful ang nararamdaman ng 27-anyos na si Garth Ezekiel Talusig matapos masungkit ang titulo bilang Great Man of the Universe Philippines, na magsisilbing kinatawan ng bansa para sa Caballero Universal Filipinas sa international stage.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, ibinahagi ni Talusig na itinuturing niyang reward ang kanyang mga sakripisyo sa pageant journey at ikinararangal niyang maiprepresenta ang Pilipinas sa isang internasyonal na kompetisyon.
Ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang interes sa sports, ngunit dahil sa injury ay napilitan siyang mag-transition sa pagmomodelo at kalaunan ay pumasok sa mundo ng pageantry.
Isa sa kanyang pangunahing inspirasyon sa pagsali sa kompetisyon ay ang adbokasiya sa mental health, partikular para sa kalalakihan, pati na rin ang layunin na maipakita at maipromote ang kulturang Pilipino.
Aniya, ito ang una niyang pagsali sa isang pageant na ganito kalaki, matapos ang una niyang karanasan sa Mr. HRAB na ginanap sa Baguio City.
Sa kanyang paghahanda, sinabi niyang kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang pagpapaganda ng pisikal na kondisyon at patuloy na pagsasanay sa question-and-answer portion ng kompetisyon.
Nagsimula siyang maghanda para sa Great Man of the Universe Philippines noong Marso, matapos siyang maimbitahan ng mga organizer noong Enero.
Ibinahagi rin niya na isa sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang journey ay ang mag-isa sa pagta-train sa Maynila. Ayon sa kanya, mahirap ang pagiging malayo sa comfort zone, ngunit naging susi ito upang mas tumatag siya at mas mapaunlad ang kanyang resilience at perseverance.
Matapos ang kanyang trabaho bilang virtual assistant, tuluyan siyang nag-transition sa pagiging modelo, na ngayon ay kanyang pangunahing pinagkakaabalahan.
Para sa kanya, ang naging susi ng kanyang tagumpay ay ang matibay na mindset—ang hindi pagsuko kahit mahirap ang sitwasyon, at ang patuloy na determinasyon na magtagumpay.
Ibinahagi pa nito na ipagmamalaki niya rang pagpapakita ng kulturang Pilipino sa international stage sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga katutubong kasuotan, paggamit ng sariling wika, at pagiging proud Filipino.
Ang kanyang pamilya ang nagsisilbing pangunahing inspirasyon niya, pati na rin ang kanyang adbokasiya na makatulong sa iba, lalo na sa kalalakihan na madalas hindi nabibigyan ng sapat na espasyo upang pag-usapan ang kanilang mental health.
Sa ngayon, handa na si Talusig para sa susunod na yugto ng kanyang pageant journey sa Caballero Universal Filipinas na gaganapin sa Venezuela, dala ang layuning maiuwi ang korona para sa bansa.










