Ipinaliwanag ni Atty. Francis Camtugan, isang legal luminary sa Baguio City, ang mga naging kaganapan sa ikalawang araw ng impeachment trial na ginanap kahapon, Hulyo 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niyang naging sentro ng pagdinig ang mga teknikal na usapin hinggil sa electronic evidence, kabilang ang identification at authentication nito.
Ayon kay Camtugan, makatutulong ang mga teknikal na paliwanag upang higit na maunawaan ng publiko kung paano inihaharap at pinatutunayan ang electronic evidence, lalo na sa mga kasong may kaugnayan sa cyberlibel.
Ibinahagi rin niya na maayos at organisado ang pamumuno ni Atty. Amando Virgil Ligutan, pribadong prosecutor ng House prosecution panel, sa presentasyon ng mga ebidensya. Aniya, naipakita nito na handa ang batikang litigator para sa pagdinig.
Gayunman, sa kanyang pananaw, hindi sapat o “insufficient” ang presentasyon ng saksi hinggil sa mga screenshot na iniharap bilang ebidensya dahil hindi umano naipakita ang integridad ng proseso kung paano ito nakuha at na-save bilang digital evidence.
Naniniwala rin si Camtugan na mas mainam sanang naipakita ang kabuuan ng mahigit dalawang oras na video, sa halip na piling bahagi lamang, upang higit na maunawaan ng mga senator-judges at ng publiko ang buong konteksto nito.
Samantala, sinabi niyang sa kanyang pananaw, ang alegasyon ng bribery lamang ang may pinakamalakas na posibilidad na maituring na impeachable offense. Aniya, mas mahina ang batayan ng iba pang mga artikulo ng impeachment, kabilang ang grave threat, SALN, at confidential funds.
Sa kabila nito, naniniwala si Camtugan na ang impeachment trial ay isang mahalagang pagkakataon upang higit na maunawaan ng publiko ang sistema ng hustisya sa bansa.








