Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC)-Mountain Province Field Office sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno laban sa pagsusugal, lalo na ang online gambling, matapos dumami ang ulat ng mga kawani na nabibiktima ng online scam.
Ayon kay CSC-Mountain Province Field Office Director Anita Verina T. Paredes, may mga empleyado ng gobyerno umanong naloko ng mga online gambling platform na nagpapanggap bilang mga investment opportunity.
Hinimok ni Paredes ang mga kawani na maging mas maingat sa paggamit ng online platforms at iwasan ang mga gawaing maaaring magdulot ng pandaraya at makasira sa integridad ng mga lingkod-bayan.
Ipinaalala rin niya ang CSC Resolution No. 2600111 o ang Policy on the Prohibition of Gambling Among Government Officials and Employees, na nagbabawal sa pagsusugal ng mga pampublikong kawani at maaaring magresulta sa administrative sanctions.
Samantala, binigyang-diin ng government employee na si Daryle Fayofay na mahalagang panatilihin ng mga lingkod-bayan ang integridad, disiplina, at pananagutan upang mapangalagaan ang tiwala ng publiko.











