BAGUIO CITY – Binuksan ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang kauna-unahan nitong adolescent-friendly facility para sa mga pasyenteng edad 10 hanggang 19 na may acute at chronic illnesses, kabilang ang mga lilipat sa adult health care.
Ayon kay Dr. Avegail Cardinal, adolescent medicine specialist ng BGHMC, dumarami ang mga kabataang may diabetes, sakit sa puso at bato, mental health concerns, at iba pang pangmatagalang karamdaman.
Ang DOH-accredited Level 3 facility ay nag-aalok ng adolescent medicine, general pediatrics, teen-parent clinic, at transition care upang matiyak ang tuloy-tuloy na gamutan ng mga pasyente pagdating sa adulthood.
Tinatayang 20 porsiyento ng mga pasyente ng BGHMC ay mga teenager, na may 15 hanggang 20 adolescent patients na nagpapagamot araw-araw. Layunin din ng programa na makatulong sa pagtugon sa mga isyu tulad ng mental health, teenage pregnancy, at suicide risk.











