--Ads--

Sa murang edad na 31, isa nang malaking responsibilidad ang nakaatang kay Police Captain Brett Allen P. Ande bilang Officer-in-Charge ng Itogon Municipal Police Station (MPS). Ngunit para sa kanya, ang posisyong ito ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang pagkakataon upang higit pang makapaglingkod sa komunidad at sa kapwa niya pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Ande ang kanyang paglalakbay tungo sa tagumpay sa larangan ng pagpupulis.

Isinilang at lumaki siya sa Baguio City at buong pagmamalaki niyang tinatawag ang sarili bilang isang Cordilleran. Lumaki siya sa isang pamilyang nagturo sa kanya ng disiplina, paggalang sa kapwa, at pagmamahal sa bayan—mga pagpapahalagang nagsilbing matibay na pundasyon ng kanyang propesyon.

Nagtapos siya ng elementarya sa Don Bosco Elementary School at sekondarya sa Pines City National High School-Main. Kalaunan ay pumasok siya sa Philippine National Police Academy (PNPA), kung saan nagtapos siya ng Bachelor of Science in Public Safety. Ipinagpatuloy din niya ang kanyang pag-aaral at kumuha ng master’s degree sa Ateneo de Manila University School of Government.

Malaki ang naging impluwensya ng kanyang pamilya sa pagpili ng kanyang propesyon. Ang kanyang ama ay isang retiradong pulis, habang ang kanyang ina ay kawani ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Ande, matagal nang nabuo sa kanya ang hangaring maglingkod sa bayan dahil bata pa lamang siya ay nahubog na siya sa iba’t ibang tungkulin sa pamumuno. Dahil dito, natutunan niyang maging responsable hindi lamang para sa sarili kundi maging sa kapakanan ng iba.

Bukod sa kanyang mga magulang, malaki rin ang naging impluwensya ng kanyang mga mentor, upperclassmen, at senior officers sa kanyang paghubog bilang isang opisyal ng pulisya. Sa kanila niya natutunan ang tamang pagpapasya, pagiging mapagpakumbaba, at ang kahalagahan ng servant leadership.

Sa kanyang panunungkulan sa Philippine National Police, nakapaglingkod si Ande sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, partikular sa Special Action Force (SAF), bago siya naitalaga sa Police Regional Office Cordillera sa ilalim ng Benguet Police Provincial Office at kalaunan ay sa Itogon MPS.

Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Aminado siyang marami siyang hinarap na hamon, lalo na sa mga lugar na may mataas na banta sa seguridad at magkakaibang kultura. Sa bawat assignment, natuto siyang humarap sa matitinding pressure, gumawa ng mahahalagang desisyon, at tiyakin ang kaligtasan ng kanyang mga tauhan habang isinasagawa ang mga misyon.

Para kay Ande, ang tunay na susi sa pag-unlad sa serbisyo ay hindi lamang katalinuhan kundi ang pagiging consistent sa trabaho, may integridad, masipag, bukas sa pagkatuto, marunong makitungo sa kapwa, disiplinado, at higit sa lahat ay may takot sa Diyos.

Aniya, hindi sapat ang talino lamang sapagkat mahalagang kilalanin na ang Diyos ang siyang gumagabay sa bawat desisyong ginagawa ng isang lider.

Sa kabila ng kanyang batang edad, hindi niya tinitingnan ang pagkakatalaga bilang OIC ng Itogon MPS bilang isang personal na tagumpay. Sa halip, itinuturing niya itong malaking karangalan at mas malaking responsibilidad upang higit pang mapaglingkuran ang mamamayan ng Itogon at ang kanyang mga kapwa pulis.

Bilang pinuno ng Itogon MPS, layunin niyang ipagpatuloy ang mga epektibong programa at polisiya ng himpilan, habang pinabubuti pa ang mga kasalukuyang sistema at pinananatili ang mga pinakamahusay na pamamaraan sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Nais din niyang makilala bilang isang servant leader—isang lider na inuuna ang paglilingkod kaysa sa kapangyarihan o pansariling interes.

“Being a leader is not all about power and authority, but it is about change and support.”

Dagdag pa niya, nais niyang makilala bilang isang lider na marunong makinig, patas sa lahat, at nagsisilbing mabuting halimbawa. Para sa kanya, ang respeto ay hindi ipinipilit kundi kusang ibinibigay sa isang lider na tunay na nagsisilbi.

Sa kanyang unang linggo bilang OIC, agad siyang bumaba sa mga komunidad upang personal na makipag-ugnayan sa mga residente. Aniya, mahalagang palakasin ang grassroots engagement upang mas mabilis na matugunan ang mga suliranin at hinaing ng mamamayan.

Bilang mensahe sa mga kabataang nangangarap maging bahagi ng Philippine National Police, hinikayat ni Ande ang mga ito na ihanda hindi lamang ang kanilang pisikal na kakayahan kundi maging ang kanilang pagkatao at karakter.

Para sa kanya, kailangan ng PNP ng mga pulis na may integridad, disiplina, at tunay na pagmamahal sa bayan sapagkat ang pagpupulis ay hindi lamang isang hanapbuhay kundi isang bokasyon ng tapat na paglilingkod.