Buong suporta ang ipinahayag ng Philippine Mining Development Corporation (PMDC), ang mining company ng gobyerno, sa “Big Brother–Small Brother” program ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), isang inisyatibong naglalayong tulungan ang mga small-scale miner na maging legal, mas ligtas, at mas responsable ang kanilang operasyon.
Ayon kay PMDC President at Chief Executive Officer Atty. Job Adrian M. Ambrosio, nais ng PMDC na maisama ang mas maraming maliliit na minero sa legal na pagmimina upang magkaroon sila ng mas ligtas na hanapbuhay at mas matatag na kabuhayan.
Sa ilalim ng programa, magsisilbing gabay ang malalaking mining company sa mga small-scale miner upang maituro ang tamang paraan ng pagmimina. Kabilang sa mga maaaring ibigay na suporta ang tamang pagplano ng minahan, pagsunod sa mga batas at regulasyon, pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa, pangangalaga sa kalikasan, wastong pagproseso ng mineral, at pag-access sa mga legal na pamilihan kung saan maaaring maibenta ang kanilang mga produkto.
Sinabi ni Ambrosio na layunin ng programa na ipakita na posible ang pagmimina na nagbibigay ng hanapbuhay habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga manggagawa, ang kapaligiran, at ang kapakanan ng mga komunidad na nakapaligid sa mga minahan.
Ipinaliwanag niya na sa loob ng maraming dekada, malaking bahagi ng small-scale mining sa bansa ang nananatiling hindi rehistrado o walang kaukulang permit. Dahil dito, maraming minero ang nagtatrabaho sa mapanganib na kondisyon na naglalagay sa kanilang buhay sa panganib dahil sa posibilidad ng pagguho ng lupa, aksidente sa ilalim ng lupa, at iba pang sakuna.
Bukod dito, sinabi ng PMDC na ang paggamit ng mercury at cyanide sa ilang ilegal na operasyon ay maaaring makadulot ng polusyon sa mga ilog at iba pang anyong tubig. Ang kakulangan din sa tamang engineering, waste management, at erosion-control measures ay maaaring maging sanhi ng landslide, pagkasira ng kalikasan, at iba pang panganib sa mga komunidad.
Binanggit din ni Ambrosio na may mga ulat ng child labor at hindi patas na sistema ng paghahati ng kita sa ilang ilegal na minahan, kung saan iilan lamang ang nakikinabang habang maraming minero ang patuloy na nagtatrabaho sa mapanganib na kalagayan kapalit ng mababang kita.
Ayon sa kanya, mahalagang ipagpatuloy ang kampanya laban sa ilegal na pagmimina, ngunit hindi sapat ang pagpapatupad lamang ng batas. Aniya, kailangan ding magkaroon ng mga programang magbibigay ng legal at praktikal na oportunidad upang mahikayat ang mga small-scale miner na sumunod sa mga regulasyon at maging bahagi ng pormal na industriya ng pagmimina.
“The MGB has recognized that cooperation between large-scale mining companies and small-scale miners can provide a practical pathway toward formalization. PMDC supports this direction and intends to adopt the Big Brother–Small Brother approach in appropriate PMDC mining areas,” ani Ambrosio.
Ayon pa sa opisyal, hango ang programa sa modelong ipinatutupad ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI), isang subsidiary ng Apex Mining Co., Inc. Sa ilalim ng naturang programa, tinutulungan ng malaking mining company ang mga small-scale miner na mapabuti ang kanilang kaligtasan sa trabaho, pagsunod sa mga regulasyon, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapatakbo ng kanilang kabuhayan sa mas organisado at napapanatiling paraan.
Sinabi ng PMDC na makikipagtulungan ito sa MGB, mga lokal na pamahalaan, mga Indigenous Cultural Communities, small-scale mining associations, partner mining companies, at iba pang ahensya ng gobyerno upang matukoy kung saang mga lugar maaaring ipatupad ang programa nang maayos at naaayon sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Binigyang-diin ni Ambrosio na ang layunin ng programa ay hindi lamang gawing legal ang small-scale mining kundi tiyaking makikinabang dito ang mga minero, kanilang mga pamilya, mga komunidad, mga lokal na pamahalaan, at ang pambansang ekonomiya.
“Responsible mining must create opportunity, not exclusion. By working with the MGB and our mining communities, we can help transform informal mining into a safer, legal, environmentally responsible, and sustainable industry that provides long-term livelihoods for Filipino miners,” dagdag ni Ambrosio.//Bombo Jerwin Aquino





