--Ads--

BAGUIO CITY – Inalala ni Mayor Benjamin Magalong ang mahahalagang aral mula sa mapaminsalang July 16, 1990 Luzon earthquake, na aniya’y naglantad sa kakulangan noon sa komunikasyon, disaster preparedness, at crisis management.

Sa ginanap na Annual Earthquake Commemoration sa City Hall Park, sinabi ni Magalong na malaking hamon matapos ang lindol ang kawalan ng maayos na sistema ng komunikasyon. Aniya, isang malaking cellular phone lamang na kasinlaki ng baterya ng sasakyan ang nagsilbing pangunahing linya ng komunikasyon ng command post ng lungsod noon.

Dagdag niya, wala pang itinatag na disaster preparedness programs, Quick Response Fund, at malinaw na sistema para sa resilience at emergency response kaya naging reaktibo lamang ang pagtugon sa mga kalamidad.

Binigyang-diin din ng alkalde ang epekto ng sakuna sa mental health ng mga nakaligtas, lalo na ang mga kabataang nakaranas ng trauma.

Ayon kay Magalong, naging malaking pagbabago ang trahedya sa pagbuo ng mas organisadong disaster response system, kabilang ang paggamit ng Incident Command System na nag-uugnay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, Armed Forces of the Philippines, local government units, at iba pang grupo sa panahon ng sakuna.

Aniya, mula sa dating magkakahiwalay na pagtugon ng mga grupo, mas naging koordinado na ngayon ang disaster management ng lungsod.