BAGUIO CITY – Inaprubahan ng Baguio City Council ang bagong schedule ng sanitation, desludging, at wastewater management fees upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pondo para sa operasyon at pagpapalawak ng sewerage at septage management system ng lungsod.
Nakasaad ito sa Ordinance No. 66-2026 na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Hulyo 6 at hinihintay na lamang ang lagda ni Mayor Benjamin Magalong bago maging ganap na epektibo.
Sa ilalim ng ordinansa na pangunahing inakda ni Vice Mayor Faustino Olowan, kokolektahin ang sanitation fee mula sa residential, commercial, industrial, institutional, at government water users upang pondohan ang wastewater treatment, desludging services, at iba pang sanitation programs ng lungsod.
Para sa mga consumer ng Baguio Water District (BWD), ang bayarin ay isasama sa buwanang billing. Magbabayad ang residential users ng katumbas ng 16 porsyento ng kanilang water consumption charge, habang 18 porsyento naman para sa commercial, industrial, institutional, at government users.
Ang mga nakakonekta sa BWD ngunit hindi pa nakakabit sa city sewerline ay mananatiling gagamit ng septic tank at makakakuha ng isang city-funded desludging service kada apat na taon.
Samantala, ang mga gumagamit ng city sewerline ngunit hindi konektado sa BWD ay magbabayad ng fixed monthly sanitation fee na P115 para sa residential households at condominium units, habang ang commercial establishments at government offices ay mula P590 hanggang P1,060 depende sa kanilang klasipikasyon.
Hindi naman sisingilin ng sanitation fee ang mga hindi konektado sa BWD o city sewerline, ngunit kinakailangan nilang panatilihing maayos ang septic tanks at regular na magpa-desludge.
Itinatakda rin ng ordinansa ang Improved On-Demand Desludging Service (IODDS) kung saan ang mga kwalipikadong nagbabayad ng sanitation fee ay maaaring makakuha ng isang libreng desludging service kada apat na taon sa pamamagitan ng city-accredited service providers.
Binigyang-diin ng konseho na gagamitin lamang ang makokolektang pondo para sa operasyon, maintenance, pagpapalawak ng septage management program, sanitation infrastructure, at iba pang environmental protection initiatives.
Kasama rin sa ordinansa ang paglikha ng City Septage Steering Committee at mga panuntunan laban sa ilegal na pagtatapon ng sewage, hindi awtorisadong desludging operations, at paggamit ng hindi akreditadong service providers.
Nilalayon ng hakbang na mapabuti ang pamamahala ng wastewater at maprotektahan ang kalusugan ng publiko at kapaligiran sa lungsod ng Baguio.











